BUWAN NG WIKA: TAMPOK ANG MGA WIKANG KATUTUBO


Ang Pilipinas ay hindi lamang mayaman sa mga magagandang tanawin, kultura, o mga tao, ngunit ipinagmamalaki rin nito ang mga sari-saring wika na tunay na bumubo sa kasaysayang Pilipino.

Sa buong Pilipinas, tinatayang umaabot sa 130 ang mga katutubong wika. Kung kaya't ngayong buwan ng Agosto, ipinagdiriwang ang taunang Buwan ng Wika na may temang  ‘Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino." Ayon kay Virgilio Almario, tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino, 'Nais nating pagpugayan at patunayan na mahalagang bahagi ng ating pagkabansa ang 130 katutubong wika sa Filipinas.' Ibig sabihin,  ang bawat wika ay may sariling buhay, at nakapaloob sa buhay nito ang tradisyon ng maraming henerasyon ng mga Pilipino.

Alam nating lahat, na ang wika ay isang napakahalagang salik at sangkap ng isang matatag na bansa. Paano na lamang magkakaintindihan ang mga tao kung wala ito? Dahil sa mga wika, nagkakaroon ng pambansang pagkakaunawaan. Ngunit ating tandaan na hindi mabubuo ang kulturang Pilipino kung wala ang mga iba't ibang katutubong wika. Kaya't pinagtibay ng KWF Kapasiyahan 19-03, hangad ng tema sa taóng ito na maikintal sa pambansang kamalayan ang halaga at gampanin ng wikang Filipino at mga katutubong wika sa pagbuo ng isang bansang nagkakaunawaan.

Napakagandang pagkakataon din na ang taóng ito ay idineklara ng UNESCO na International Year of the Indigenous Languages (IYIL). Makikita lamang ang pagbibigay ng mga tao sa kasalukuyan sa mga wikang katutubo. Katumbas sa pagdiriwang na ito, ay mga sari-saring aktibidad at patimpalak ang mga magaganap.

Sa huli, tunay na yaman ang mga wikang katutubo. Saang sulok man ng bansa; Luzon, Visayas, o Mindanao, o kahit sa ibang bansa, tunay na ating maipagmamalaki ang mga ito. Iloko, Cebuano, Tagalog, at marami pang iba, mga wikang katutubo na sumasalamin sa ating pagkatao, at sa ating bansa.

Reference:
"Buwan ng Wika 2019 itatampok ang mga katutubong lengguwahe" By: Rambo Talabong Available at: https://www.google.com/amp/s/amp.rappler.com/life-and-style/arts-and-culture/236577-native-tongue-to-be-celebrated-national-language-month-philippines-2019 Accessed: September 1, 2019

"Buwan ng Wikang Pambansa 2019" Available at: http://kwf.gov.ph/buwan-ng-wikang-pambansa-2019-2/ Accessed: September 1, 2019


Mga Komento